Umabot sa mahigit 100,000 ang bilang ng mga debotong dumagsa sa Basilica Minor at Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno ngayong unang Biyernes ng taon.
Ayon sa Manila Police District, hanggang ngayong misa ng alas-5:00 ng hapon ay humigit kumulang 105,000 na ang crowd estimate sa paligid ng Quiapo Church.
Samantala, ilang araw bago ang Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno sa January 9, patuloy ang clearing operations ng Metro Manila Development Authority sa mga rutang daraanan ng Traslacion.
Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni MMDA General Manager Procopio Lipana na nag-umpisa na silang baklasin ang mga nakahambalang na stalls at inaalis na rin ang mga nakaparadang sasakyan sa mga daraanang kalsada.
Layon nitong masiguro na magiging maayos ang daloy ng prusisyon na inaasahang lalahukan ng milyun-milyong mga deboto.