Inihayag kahapon ng Makati City Government na bibigyan nila ng cash insentive ang 11,713 graduates ng pampublikong elementary at senior high schools sa lungsod.
Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, P1,000 cash incentive ang matatangap ng nagsipagtapos sa Grade 6 at Grade 12 nang walang academic honors; P2,000 sa with honors; P3,000 with high honors; at P5,000 sa with highest honors.
Anya para makuha ang nasabing cash incentives ay kailangan nilang mag login sa www.proudmakatizen.com, i-click ang Student Portal, at i-type ang 12-digit na Learner Reference Number (LRN) sa inilaang espasyo at kailangang pumili ng option kung sa paanong paraan na gustong matangap ang pera.
Ang Option 1 ay para sa electronic money transfer gamit ang GCash, at matatanggap ang insentibo sa loob ng tatlong araw matapos mag-rehistro sa nabanggit na portal. Ang Option 2 naman ay kung nais ng graduate na matanggap ang cash incentive sa kanilang mismong paaralan kapag natapos na ang Enhanced Community Quarantine.
Nilinaw naman ng alkalde na kahit hindi taga Makati ang residential Address basta nag-aaral sa Makati ay makakatanggap ito ng nasabing Cash Incentive.
Batay sa tala ng DepEd Makati, may 7,207 graduates mula sa Grade 6 at 5,506 graduates mula sa Grade 12 ang public schools ng lungsod sa taong ito. Kasama rito ang nasa 2,885 graduates ng Higher School sa University of Makati.