Umabot sa 96.5 percent ang turnout ng 2020/21 Bar exams ngayong unang araw ng pagsusulit, Pebrero 4.
Ayon kay Supreme Court (SC) Associate Justice Marvic Leonen, nasa 11,378 mula sa 11,790 na law graduates na nagpa-rehistro ang kumuha ng pagsusulit.
Aniya, isinagawa ang pagsusulit sa 31 testing centers sa 22 Local Government Units (LGU) sa buong bansa.
Nilinaw naman ni Leonen na ang lahat ng hindi sumipot sa unang araw ng Bar exam ay dahil sa COVID-19.
Normal na aniya na may 10 hanggang 15 porsyento sa mga nakatakdang kumuha ng pagsusulit ang hindi nakakasipot dahil sa kaba o iba pang dahilan.
Samantala, mula naman sa higit 8,000 na sumailalim sa COVID-19 antigen test, 1.36 percent o wala pang 100 ang nagpositibo.
Gayunman, pinayagan pa rin silang kumuha ng pagsusulit sa isolation area.
Isasagawa naman ang ikalawang araw ng examinations sa Linggo, Pebrero 6.