Nakatanggap ng P128.2 billion na alokasyon ang nasa 113 na State Universities and Colleges (SUCs) sa buong bansa sa ilalim ng 2024 national budget.
Mas mataas ito ng P27.3 billion kumpara sa naunang P100.9 billion na panukalang 2024 budget, na magugunitang inalmahan ng 36 na SUCs dahil mas mababa ito ng P6.15 billion kumpara sa P107 billion na pondo noong 2023.
Ayon kay Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) President Dr. Tirso Ronquillo, nasa 1.85 million na mag-aaral na naka-enroll sa mga SUC, 72,000 na faculty at staff at 50,000 na job orders at contract of service workers ang makikinabang sa karagdagang P27.3 billion na kinuha mula sa “unprogrammed funds.”
Partikular na gagamitin ang nasabing halaga para mapunan ang kinulang na pondo para sa Free Tertiary Education Program noong 2022 at 2023, gayundin ang pagpapalakas sa digital resiliency development para sa pitong SUCs.