Nananawagan si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Representative Janette Garin na mapanatili sa 2025 General Appropriations Bill ang P39 billion na pondo para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na tinanggal ng Senado.
Giit ni Garin, aabot sa 12 milyong mga Pilipino na kulang ang kinikita ang maaapektuhan kapag inalis ang programa sa ilalim ng 2025 national budget.
Ayon kay Garin, tila hindi alam ng mga senador ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino, lalo na ang mga minimum wage earner.
Paliwanag ni Garin, ang AKAP ang umaalalay para sa mga mahihirap na Pilipino na hindi kwalipikado sa mga umiiral na social programs ng gobyerno tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa isasagawang pulong ng Bicameral Conference Committee ngayong hapon para sa 2025 budget, ang AKAP funds ay isa mga pangunahing ireresolba ng mga kinatawan ng Kamara at Senado.