
Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagdadagdag ng mga kawani sa University of the Philippines-Manila – Philippine General Hospital (UP-PGH).
Ang dagdag posisyon para sa medical, allied medical at support staff ay alinsunod sa hiling ng UP-PGH upang mapabuti pa ang serbisyo sa mga pasyente lalo na sa mga mahihirap na Pilipino.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, batay na rin ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mabigyan ng mahusay at maasahang serbisyo ang mga nangangailangan.
Ang PGH ang pinakamalaking government tertiary hospital na may 1,334 bed capacity at nagseserbisyo sa libo-libong mga pasyente mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nasa 1,224 ang idaragdag sa manpower na ipatutupad sa apat na bugso mula ngayong una at huling quarter ng 2025 at sa 2026 at 2027.