Mahigit 13 bilyong dolyar investment pledges, bitbit ni PBBM sa kanyang official visit sa Japan

Nakabalik na mula sa limang araw na official visit sa Japan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at kanyang delegasyon kagabi.

Sa kanyang arrival statement sinabi ng pangulo na bitbit niya mula sa Japan ang investment pledges mula sa mga pribadong sektor sa Japan ang mahigit 13 bilyong dolyar na magreresulta sa nasa 24,000 jobs para sa mga Pilipino.

Bukod dito ayon sa pangulo, nakipag-usap rin siya sa mga CEOs ng mga Japanese Shipping Companies at associations.


Naging mahalaga aniya ang pag-uusap na ito dahil pumapangalawa ang Japan sa pinakamalaking maritime industry sa buong mundo kung saan mayroon silang 31 libong mga Pinoy seafarers na empleyado.

Dagdag pa ng pangulo na committed rin ang Japan na magbibigay ng infrastructure development loans para sa dalawang major projects – ito ay ang North South Commuter Railway para sa Malolos-Tutuban, at sa North South Commuter Railway Project Extension, na umaabot sa 377 billion yen o katumbas ng 3 bilyong dolyar.

Nagkaroon rin daw siya ng makabukuhang pagpupulong kay Prime Minister Kishida Fumio, dahil nagkaroon sila ng pagkakataon na magpalitan ng values at common inspirations para sa mga tao at nangako sa isa’t-isa na palalakasin pa ang strategic partnership sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Muli rin daw napagtibay ang commitment ng Pilipinas at Japan para sa magandang pagkakaibigan matapos na makausap rin ng Pangulo sina Emperor Naruhito at Empress Masako ng Japan.

Kahapon bago umalis ng Japan ay nakipag kita ang Pangulo sa Filipino Community sa Japan, at tiniyak ng pangulo sa mga ito na gumagawa ng paraan ang kanyang administrasyon upang mas makapagbigay ng maraming trabaho sa Pilipinas upang ang pagtatrabaho abroad ay isa na lamang career choice at hindi dahil walang opsyon.

Mayroong 300 libong mga overseas Filipinos ang naninirahan sa Japan.

Facebook Comments