Mahigit 130 residente ng Dagupan, karamihan ay senior citizens, ang sumailalim sa follow-up eye checkup matapos ang kanilang operasyon sa ilalim ng Project Linaw Mata.
Ang programa ay nagbigay ng libreng operasyon, konsultasyon, at kinakailangang gamot para sa mga may sakit sa mata.
Katuwang ng Pamahalaang Lungsod sa inisyatibang ito ang isang pribadong kumpanya, kasama ang grupo ng volunteer ophthalmologists mula sa iba’t ibang institusyon.
Ayon sa City Health Office, naglalayong matugunan ng proyekto ang mga kondisyon sa mata na maaaring humantong sa komplikasyon kung hindi maagapan.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan na ang follow-up checkup ay mahalagang bahagi ng proseso upang masubaybayan ang paggaling ng mga pasyente at matiyak ang maayos na resulta ng kanilang operasyon.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang lungsod sa mga katuwang na institusyon, donors, at medical volunteers na patuloy na nagbibigay ng oras at serbisyo para sa kapakanan ng mga Dagupeño.
Nanindigan ang pamahalaang lokal na mananatiling prayoridad ang kalusugan ng komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









