Mahigit 13,000 indibidwal, apektado ng pinagsamang epekto ng habagat at Bagyong Bising

Umaabot sa 3,773 pamilya o katumbas ng mahigit 13,000 indibidwal ang apektado ng pinagsamang epekto ng habagat at Bagyong Bising sa Ilocos Region, Gitnang Luzon at Cordillera Administrative Region.

Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mula ang mga apektadong indibidwal sa 14 na barangay mula sa 3 rehiyon sa bansa.

Karamihan naman sa mga apektadong residente ay mas piniling manatili sa kani-kanilang tahanan.

Samantala, 13 kabahayan ang napinsala dulot ng sama ng panahon kung saan 12 ang partially damaged habang 1 ang totally damaged.

Isang kalsada na lamang mula sa Ilocos Region ang nananatiling unpassable ngayon sa mga motorista.

Naibalik na ang kuryente at linya ng telekumunikasyon sa mga binahang lugar.

Kasunod nito, nagpapatuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong indibidwal.

Facebook Comments