Mahigit 13,000 pamilya, apektado ng Bagyong “Ulysses” sa Quezon Province

Umabot na sa 13,000 pamilya o katumbas ng mahigit 50,000 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong ‘Ulysses’ sa Quezon Province.

Nanunuluyan ngayon sila sa 592 evacuation centers kasama ang iba pang pamilyang una nang naapektuhan ng Bagyong Rolly.

Karamihan sa mga biktima ng kasalukuyang bagyo ay mula sa Infanta, Real, Nakar at limang island municipalities sa Quezon kung saan pahirapan ang pagpapadala ng relief goods dahil sa taas ng alon.


Sa ngayon, ayon kay Governor Danilo Suarez, wala pang naitatalang casualty sa probinsya dahil sa Bagyong Ulysses.

“Nag-force evacuation ako, ginamit ko na mga pulis tsaka mga contingent ng Philippine Army. Yung iba ayaw kasi umalis e. Wala akong fatality, as of now. Sana magawa namin ‘yan in spite of these typhoon, pang-lima na ito e, paboritong-paborito ako ng mga bagyo” ani Suarez sa interview ng RMN Manila.

Samantala, hindi madaanan ngayon ang mga kalsada sa Infanta, Mulanay at San Francisco matapos na mag-collapse habang mga truck lang ang pinapayagang makadaan sa Calauag, Lopez dahil sa muling pagtaas ng baha.

Ilang bayan din sa probinsya ang nananatiling lubog sa baha.

Facebook Comments