Maaaring magtirik ng kandila ang mga may namayapang minamahal sa buhay sa wall of remembrance na matatagpuan sa Tugatog Public Cemetery.
Ang nasabing sementeryo ay dinevelop at pinaganda ng lokal na pamahalaan noong 2021 at noong isang taon lamang ito binuksan sa publiko kung saan makikita ang pangalan ng 15,744 namatay sa wall of remembrance.
Paalala naman ng administrador ng sementeryo na wala ang mga labi o buto ng mga namayapang mahal nila sa buhay sa wall of remembrance bagkus pangalan lamang ito at ang kanilang mga labi ay nakalagak sa vault at kapag tuluyan nang natapos ang Tugatog Public Cemetery ay ililipat na ang mga ito sa storage.
Makikita rin dito ang kilalang tomb architecture na rebulto ng demonyo.
Bagama’t naialis na rito ang buto ng namayapang si Don Simeon Bernardo ay pinanatili ng lokal na pamahalaan ang rebulto ng demonyo na nakaapak sa rebulto ni San Miguel Arkanghel.
Ang naturang arkitekto ay paalala sa lipunan patungkol sa kasamaan at kadilimang nanatili sa ating mundo.
Nagsisilbi rin itong paanyaya sa lahat na pagnilayan ang mga moral na hamon na ating kinahaharap bawat araw.
Samantala, mangilan-ngilan pa lamang ang dumadalaw sa Tugatog Public Cemetery kung saan hanggang Nobyembre 2 inaasahang dadagsa ang tao.