Mahigit 160 potential private armed groups, 77 private armed groups – tinitiktikan

Manila, Philippines – Aabot sa mahigit 160 na potential private armed groups ang minamanmanan ngayon ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Spokesperson Chief Superintendent Benigno Durana, mayroong 77 na tukoy na private armed groups at 166 potential groups ang nasa ilalim ng radar at mahigpit na binabantayan ngayon ng mga otoridad.

Giit ni Durana, kailangan nila ng political back-up para epektibong malabanan at mabuwag ang mga private armed groups.


Paliwanag ng opisyal, kagagawan din ng mga maimpluwesnyang indibidwal at ng ilang pulitiko ang pagdami ng mga private armed groups para makuha ang kanilang mga economic at political interests.

Sinabi pa ni Durana na kadalasang binubuo ang mga private armed groups ng mga kriminal, rebel returnees at police scalawags.
Tiniyak naman nito na kanilang tutugisin ang mga private armed groups ngunit kailangan nila ng tulong mula sa gobyerno na ginagawa na rin naman ngayon sa kanila ni Pangulong Duterte.

Hindi aniya nila mawawakasan ang problema sa private armed groups kung walang political backing lalo at ang mga makakaharap nila dito ay mga pulitiko din at high-profile na tao.

Ang pagbubulgar na ito ng PNP ay kasunod na rin ng pagpatay kay Ako Bicol Representative Rodel Batocabe at sa aide nito na si SPO1 Orlando Diaz na pinaniniwalaang pinaslang dahil sa pulitika at kagagawan ito ng private armed group.

Facebook Comments