Kasunod nang inaasahan ang dagsa ng mga tao ngayong nalalapit na ang paggunita ng Undas.
Magpakakalat ang Philippine National Police (PNP) ng 18,802 pulis sa buong bansa upang tiyakin na magiging maayos at mapayapa ang Undas 2024.
Ayon kay PNP Public Information Officer Chief PBGen. Jean Fajardo, ipakakalat ang mga pulis sa mga sementeryo, memorial park, at transport terminal upang umalalay at magbigay seguridad sa mga dadalaw at babiyahe para bisitahin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Paliwanag ni Gen. Fajardo, mayroong sinusunod na security protocols kapag may malaking event sa ating bansa tulad ng Undas pero ang kaibahan lamang sa ngayon ay magkakaroon ng karagdagang pwersa ng pulisya sa mga lugar na lubos na napinsala nang nagdaang Bagyong Kristine.
Binigyang-diin pa ni Fajardo na discretion na ng bawat regional directors kung itataas nila ang alert level status sa kanilang nasasakupan ngayong Undas upang mapanatili ang seguridad lalo na sa mga lugar na matinding hinagupit ng Bagyong Kristine.