Umabot na sa 18,213 mga motorcycle violators ang nahuli ng Joint Task Force COVID Shield na mga lumabag sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay sa backriding sa mga motorsiklo mula August 1 hanggang kahapon.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar, 17,027 sa mga nahuli ang may sakay na pasahero na walang gamit na authorized barrier sa kanilang motor.
14,823 sa mga ito ang binigyan lang ng citation, habang 2,204 naman ang dinala sa istasyon ng pulis.
1,186 naman ang nahuli na gumagamit nga ng barrier pero hindi naman Authorized Person Outside of Residence o APOR ang kanilang sakay.
937 sa mga ito ang inisyuhan ng citation habang 249 naman ang dinala sa police station.
Sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), tanging mga APOR lang ang pinapayagang lumabas ng bahay.
Pero una nang inihayag ni Eleazar na papayagan nila ang mga hindi APOR na motorcycle drivers pero dapat ay maghahatid at susundo lamang ng mga health at essential workers.