Ibinida ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na sa kabila ng pandemyang nararanasan ng bansa, marami pa ring mga estudyante ang hindi nawawalan ng pag-asa at gustong maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral para sa kanilang magandang kinabukasan.
Sa ginanap na Budget hearing ng Committee on Appropriation, isinalang si DepEd Secretary Leonor Briones kung saan iprinisinta nito na marami pa rin mga estudyante ang gustong makapagtapos sa pag-aaral at bilang patunay, umaabot sa 26.23 million ang nag-enroll ngayong taon kumpara noong 2019 na mahigit 25 million students, at 103 na mga silid-aralan ang kanilang naitayo, 588 naman ang naitayong mga paaralan mula sa orihinal na desenyo.
Ayon kay Secretary Briones, nakapamahagi umano sila ng 55,151 ICT package simula noong 2016 sa mga lubhang napabayaang mga eskwelahan kung saan maraming mga mag-aaral ang nakikinabang at natutuwa sa programa ng kagawaran.
Paliwanag pa ng kalihim, malaki umano ang improvement sa mga mag-aaral dahil kung ang dating mga silid-aralan noong taong 2016 ang ratio ay isang silid-aralan na may 35 mag-aaral, ngayon umano ang ratio ay 1 is to 29 na mga estudyante na kaya’t marami na umanong mga mag-aaral ang natutukan na nang husto ng mga guro sa kanilang pag-aaral.
Giit pa ni Briones, hindi umano hadlang ang nararanasang pandemya upang panghinaan ng loob at tumigil na sa pag-aaral ang mga estudyante dahil nandiyan naman ang DepEd na handang umagapay upang maipagpatutuloy ang pag-aaral ng mga estudyante at mayroong online learning at modules na kasalukuyang ginagamit ng kagawaran upang hubugin ang kaalaman ng mga estudyante.