Hindi bababa sa 210 Pilipinong biktima ng human trafficking ang naiuwi na mula sa ilang iba pang bansa sa Southeast Asia, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Paul Cortes, ang mga napauwi ay galing sa Cambodia, Laos, at Myanmar na naging biktima ng illegal trafficking.
Dagdag dito, sa katatapos na ASEAN Foreign Ministers’ Meeting sa Indonesia, sinabi ni DFA Secretary Enrique Manalo na ang grupo ng mga opisyal ay nagpahayag ng pangako sa pagsugpo sa human trafficking.
Sinabi ni Cortes na dapat magkaroon ng regional approach sa pagtugon sa nasabing issue.
Aniya, natuklasan ng mga awtoridad nitong mga nakaraang buwan na maraming Pilipino ang inaalok na magtrabaho sa Thailand bilang mga call center agent ngunit sila ay dinala sa Cambodia, Laos, at Myanmar bilang bahagi ng isang human trafficking scheme.
Binanggit din ni Cortes ang kamakailang pagliligtas sa Clark, Pampanga sa humigit-kumulang 1,000 katao ng iba’t ibang nasyonalidad na pinilit umanong magtrabaho para sa cyber fraud.
Samantala, tinutugunan na ng mga mekanismo ng ASEAN tulad ng ASEAN Convention Against Trafficking in Persons at ASEAN Declaration on Transnational Crime ang problema sa human trafficking.