Inihayag ng pamunuan ng Pasig City Government na kumuha na sila ng mga bagong contact tracers kasabay ng patuloy na pagtaas na kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, mahigit 200 contact tracers ang kanilang tinanggap at sinanay.
Paliwanag ng alkalde, noong panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), kinakaya pa ng kanilang Epidemiology and Surveillance Staff pero dahil tumaas ang bilang ng mga kaso nitong General Community Quarantine (GCQ), sobrang trabaho na ang mga ito.
Dagdag pa ni Sotto, na kailangan nila ng tulong upang mapaganda ang responde at pagmonitor ng mga kaso ng may COVID-19.
Giit ng alkalde, ang mga bagong contact tracer ang bababa sa mga barangay para magsagawa ng komprehensibong survey.
Sa ngayon, umabot na sa 1,614 ang kaso ng COVID-19 sa Pasig kung saan 111 ang nasawi at 741 ang gumaling.