Aabot sa 274 na brand ng suka sa buong bansa ang nakatakdang suriin ng FDA o Food and Drug Administration.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo na siya din OIC ng FDA, sisilipin din nila ang ingredients ng mga suka para malaman kung ito ba ay puro o may halong synthetic acetic acid.
Nabatid kasi na bawal gamitin o ihalo ng mga manufacturers ang synthetic acetic acid lalo na’t puro o natural dapat ang halo ng suka.
Igniit pa ni Domingo na pananagutan ng mga manufacturer kapag hindi nila nailagay sa kanilang label ang totoong ingredients ng ibinebenta nilang suka.
Bagamat lumaki ang isyu sa suka, iginiit naman ng DOH na walang dapat ikabahala ang publiko sa paggamit nito dahil hindi pa naman napapatunayan na delikado ito sa kalusugan.
Sa huli, sinabi ni USEC. Domingo na hindi pa niya natatanggap ang resulta ng ginawang pagsusuri ng Philippine Nuclear Research Institute o PNRI sa mga suka kaya’t ayaw na muna niyang magkomento hinggil dito.