Mahigit 200 na pasyente, nakarekober sa Antipolo City; 6 na lugar isinailalim sa Localized Enhanced Community Quarantine

Pumalo na sa 216 na mga pasyente na tinamaan ng COVID-19 ang nakarekober na, 42 ang nasawi habang 440 ang mga kumpirmadong kaso ng nakamamatay na virus habang anim naman na mga bagong lugar ang isinailalim sa Localized Enhanced Community Quarantine sa Antipolo City.

Ayon kay Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares, anim na mga bagong lugar ang isinailalim sa localized lockdown mula bukas, July 18 hanggang July 24, 2020 dahil sa mga nagkakahawaan na ang ilang mga residente kung saan halos dumoble ang bilang sa loob ng isang linggo.

Kabilang sa anim na lugar na isasailalim sa mahigpit na lockdown ay ang Phase 2, COGEO Village, Barangay Bagong Nayon; Upper Sto. Niño, Barangay Sta. Cruz; Lower Ruhat III, Barangay Mambugan; Phase 2, Sta. Elena Subd., Barangay San Jose; Phase 2, Peace Village, Barangay San Luis; and College View Park HOAI, Purok 4, Zone 8, Barangay Cupang.


Sa loob ng pitong araw, hindi pahihintulutang ang mga residente na lumabas sa kanilang mga tahanan maliban sa frontliners, mga otorisadong tao at mga medical emergencies.

Ang mga manggagawa na nasa loob at labas ng mahigpit na ECQ ay papayagang lumabas basta’t ipresenta lamang ang kanilang valid company identification cards sa mga otoridad na nagbabantay ng quarantine checkpoints.

Magbibigay naman ng food packs ang Antipolo City Government sa mga pamilyang apektado ng lockdown sa loob ng pitong araw.

Facebook Comments