Mahigit 200 personnel ng LTO-NCR West, inatasang ipatupad ang Oplan Biyaheng Ayos: Oplan Semana Santa at Summer Vacation 2023

Nagpakalat ang Land Transportation Office-National Capital Region West (LTO-NCR West) ng higit sa 200 tauhan upang ipatupad ang “Oplan Biyaheng Ayos: Oplan Semana Santa at Summer Vacation 2023.”

Kasabay nito, inihayag ni LTO-NCR West Regional Director Roque Verzosa III na inatasan na ang mga kawani sa bawat rehiyon na ipatupad ang Republic Act 4136 na kilala rin bilang “Land Transportation and Traffic Code,” at iba pang mga espesyal na batas mula March 31 hanggang April 10, 2023 at Oplan Isnabero mula April 11 hanggang April 12, 2023.

Ayon kay Verzosa na ipinakalat ang mga pangunahing tauhan sa operasyon upang magbigay ng komportable, ligtas, at maaasahang paglalakbay at tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at motorista ngayong Semana Santa at sa mga magbabakasyon ngayong Summer Season.


Paliwanag pa ni Verzosa na kabilang sa mga idineploy ang 15 kawani mula sa Regional Law Enforcement Unit at tatlo mula sa Regional Operations Center.

Kasabay nito, ipinag-utos din nito sa 209 na mga Kawani ng LTO-NCR West na tumalima sa kaparehong kautusan.

Facebook Comments