Mahigit 200 mga kababayan na biktima ng iba’t ibang modus ng human trafficking sa Asya ang na-repatriate na sa bansa.
Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa mga kaso ng human-trafficking sa Cambodia, ibinahagi ni Migrant Workers’ Affairs Usec. Eduardo Jose de Vega na 207 na mga Pilipinong biktima ng human trafficking ang napauwi na sa bansa mula noong Setyembre 2022.
Aniya, sa bilang na ito, 39 na mga Pilipinong biktima ng human trafficking sa Cambodia ang napauwi sa bansa, 109 sa Laos, 58 sa Myanmar at isa sa Thailand.
Nilinaw ni De Vega na kaya isa lang sa Thailand ay dahil karaniwang nagsisilbi itong transit destination para itawid sa mga kalapit na bansa ang mga Pinoy na biktima ng human trafficking.
Para sa repatriation ng mga kababayan ay nakagastos na umano ang Department of Migrant Workers (DMW) ng US $97,000 sa ilalim ng assistance to nationals (ATN).
Umapela naman si Senator Risa Hontiveros, chairman ng Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na nag-iimbestiga ng human trafficking na ma-maximize ang paggamit ng pondo ng ATN para sa mga Pilipinong binibiktima at niloloko sa ibang bansa.