Mahigit 2000 kaso ng mga pulis na sangkot sa pagpatay sa mga umano’y nanlabang drug suspect, iniimbestigahan ng PNP-IAS

Manila, Philippines – Aabot sa mahigit dalawang libong kaso na ng mga pulis na sangkot sa homicide case o pagpatay sa mga umano’y nanlabang drug-suspect ang naimbestigahan na ng PNP-Internal Affairs Service.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, otomatikong iniimbestigahan ng IAS ang lahat ng mga ganitong insidente kung saan nagpapaputok ng baril ang mga pulis na sangkot sa operasyon.

Kung totoo aniyang nanlaban ang mga suspek, ito ay justifiable circumstance kaya karapatan ng mga pulis na ipagtanggol ang kanilang sarili.


Pero sa ngayon aniya, marami sa mga kasong ito ang umabot sa summary dismissal proceedings, ito yung mga napatunayan na hindi “justified” ang pagpatay sa suspek.

Bukod aniya sa pag-imbestiga sa mga police operations na may namamatay, tinitignan din daw ng IAS ang performance ng mga pulis sa pagresolba ng mga ibang kaso ng pagpatay sa kanilang area of responsibility.

Bumuo na rin aniya ng sila ng isang Technical Working Group para tignan ang “effectiveness” at “efficiency” ng mga police commanders sa pagresolba ng mga homicide cases sa kanilang nasasakupan.

Paliwanag ni Triambulo, kung higit na mababa ang bilang ng mga naresolbang kaso ng homicide ng isang police station kumpara sa total na homicide cases sa kanilang lugar, irerekomenda ng IAS kay PNP chief PDG Ronald Bato Dela Rosa na sibakin ang concerned police commanders.

Facebook Comments