
Magpapakalat ng nasa 2,250 pulis ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para tiyakin ang seguridad sa mga nakatakdang kilos-protesta sa Metro Manila sa Byernes, Sept. 12 kaugnay ng mga kuwestyonableng flood control projects.
Sa pressconference sa Kampo Krame, sinabi ni NCRPO Spokesperson Maj. Hazel Asilo na apat na protesta ang mino-monitor ng mga awtoridad na posibleng gawin sa Mendiola malapit sa Department of Public Works and Highways (DPWH), sa EDSA, at maging sa Senado at Kongreso.
Aniya, pinaghahandaan na ito ng pulisya kung saan kanilang ipatutupad ang maximum tolerance.
Samantala, inihahanda na ng Quezon City Police District Station 6 ang pagsasampa ng reklamo laban sa mga militanteng grupo na nagsagawa ng protesta sa Batasang Pambansa nitong September 5, kung saan pito hanggang walong pulis ang nasaktan.
Posibleng sampahan ng kasong alarm and scandal at paglabag sa Batas Pambansa 880 (Public Assembly Act of 1985) ang mga organizers.
Kabilang sa mga lumahok sa kilos-protesta ang Kabataan, Alliance of Concerned Teachers, Bayan Muna, at iba pang progresibong organisasyon.









