Mahigit 2,000 na mga residente, lumikas sa Malanday Elementary School sa Marikina matapos umapaw ang Marikina river kagabi

Inihayag ngayon ng Marikina City Government na umakyat na sa 2,423 na indibidwal ang nagsilikas dito o katumbas ng 440 na pamilya ang nananatili kagabi sa Malanday Elementary School.

Ayon sa Marikina LGU, dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan kagabi, umakyat na sa ikalawang alarma ang level ng tubig kaya’t dali-daling nagsilikas ang mga residente sa mabababang lugar.

Paliwanag ng LGU na ang Malanday Elementary School ay isa sa pinakamalaking paaralan sa Marikina, kung saan dumagsa ang mga evacuee.


Nabatid sa ulat sa Command Center ng Malanday Elementary School, hanggang kaninang ala-una ng madaling araw ay umabot sa 440 na pamilya o katumbas ng 2, 423 na indibidwal ang nagsilikas dito.

Napag-alaman na sa dami ng mga nagsilikas, kinulang ang 66 na silid aralan sa paaralan at kinailangan pang gumamit ng 30 modular tent para ma-accommodate ang mga ito.

Ikinatuwa naman ng LGU na naging maagap ang mga residente sa paglikas base na rin sa mga nakalipas na karanasan.

Nabatid na mayroong “trauma” na kasi umano sila sa Bagyong Ondoy at Bagyong Ulysses.

Paliwanag pa ng mga residente, palagian nang nakahanda ang kanilang mga gamit para madaling madala sakaling kailanganin nila sa paglikas.

Umaasa naman silang agad nang bubuti ang panahon para makabalik na sa kanilang mga bahay.

Facebook Comments