Isinagawa ngayong araw ang re-assignment sa iba’t ibang rehiyon ng mahigit dalawang libong pulis na boluntaryong nagpalipat sa ilalim ng “localization program” ng Philippine National Police (PNP).
Pinangunahan ni PNP Chief PGen. Camilo Pancratius Cascolan ang send-off ceremony sa Camp Crame para sa Inter-Regional re-assignment ng mga tauhan patungo sa kanilang mga “hometown” o kung saan sila permanenteng residente.
Ito ay batay na rin sa Section 63 ng RA8551 o ang PNP Reform and Reorganization Act of 1998.
Pero dahil sa nararanasang COVID-19 pandemic, virtual ang naging send-off ceremony para sa unang batch.
Pinakita sa malaking monitor sa tapat ng National Headquarters ang mga pulis na malilipat ng assignment.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Cascolan, 1:1 swapping ang gagawin kung saan papalitan din ang mga ililipat na pulis ng mga pulis na nais magpa-re-assign sa mga lugar na kanilang iiwanan.
Ginawa niya itong prayoridad, para mapataas ang morale ng mga pulis at maging mas epektibo sa kanilang trabaho.