Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa mahigit 200,000 na Isabelino ang target na mabakunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa gagawing 3-day vaccination drive sa probinsya sa November 29, 30 at December 3, 2021.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Arlene Lazaro, Assistant Provincial Health Officer at COVID-19 Vaccination Program Operation Center Chairperson, kanyang sinabi na nasa 208,246 indibidwal ang kabuuang target ng provincial government na mabigyan ng bakuna laban sa COVID-19 sa probinsya.
Aniya, mayroon ng nakatalaga na mga vaccinators kabilang na ang mga volunteers sa bawat vaccination sites sa mga LGU at mayroon na rin target na bilang ng mababakunahan sa kada isang araw.
Sa kasalukuyan, mayroon ng 682,489 o 62.95% ang nabakunahan ng first dose ng COVID-19 vaccine habang nasa 346,072 o 33.04% na ang ‘fully vaccinated’ sa probinsya.
Ayon pa kay Dr. Lazaro, malapit nang maabot ng Isabela ang 70% na target population dahil mayroon na aniyang 62.95% ang nabakuhan sa Lalawigan.
Dahil na rin aniya ito sa mas pinadaling proseso ng pagbabakuna ngayon gaya lamang ng pagtanggap ng walk-in sa mga vaccination sites sa probinsya.
Kaugnay nito, muling hinihikayat ng Isabela Provincial Health Office ang mga hindi pa nababakunahang Isabelino na magtungo na sa mga itinalagang vaccination centers para magpabakuna.
Pero, pinapaalalahanan pa rin ang publiko na bago magpabakuna ay siguraduhin munang walang anumang nararamdamang sakit o sintomas para maiwasan ang anumang hindi magandang epekto ng bakuna sa katawan.
Ibinahagi rin ni Dr. Lazaro na wala pang natatanggap na reklamo ang kanilang opisina kaugnay sa naging matinding epekto ng covid-19 vaccine sa mga nabakunahan.