Umabot na sa 21,645 indibidwal o katumbas ng 4,329 pamilya ang nabigyan na ng tulong ng RMN Foundation sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao na hinagupit ng Bagyong Odette.
Ito ay kasunod ng naging matagumpay na Oplan Tabang caravan na isinagawa ng RMN Foundation katuwang ang Project Nightfall Organization, Pfizer Philippines Foundation at maging ang mga regional radio stations mula December 2021 hanggang March 2022.
Dito ay nabigyan ng food packs ang mga probinsya ng Southern Leyte, Bohol, Cebu, Negros Occidental, Dinagat Islands, Surigao City at Siargao Island sa Surigao del Norte na siyang sinalanata ng Typhoon Odette noong December 16, 2021.
Maliban sa ayuda ay namigay din ng libreng solar radio ang RMN Foundation sa tulong ng United States Agency for International Development (USAID) Fish Right at London Stock Exchange Group (LSEG) sa mga mangingisda na naapektuhan din ng Bagyong Odette.
Bahagi naman ito ng programa ng RMN Foundation na One Radio Campaign, Isang Radyo, Isang Bayan na layuning na mapalaganap ang responsableng pangingisda sa mga coastal community at bilang diin sa kahalagahan ng radyo sa mga komunidad na isa sa mga pinagkukunan ng balita, impormasyon at entertainment.
Sa kabila ng kakatapos na Oplan Tabang Caravan ay patuloy pa rin ang paghahanda ng RMN foundation sa mga susunod nitong proyekto.