Umaabot na sa 22,461 pasahero ang nakinabang sa libreng sakay ng Philippine National Police (PNP) mula noong Marso 12, 2020 dahil pa rin sa nararansang COVID -19 pandemic.
Inihayag ito ni PNP Chief Police Gen. Archie Francisco Gamboa, kasabay ng pagpaaalala sa kanyang mga tauhang nagsasagawa ng libreng sakay na laging maging magalang sa publiko.
Siniguro rin ni Gamboa na laging inoobserba ang physical distancing sa mga sasakyan o ang 50% capacity, at ligtas din ito dahil sa regular na pag-disinfect kada biyahe.
Ang serbisyo ay ipinagkakaloob ng PNP sa 12 ruta sa Metro Manila gamit ang 12 bus at troop carriers araw-araw mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi.
Maliban sa libreng sakay, inutos rin ni Gamboa sa mga PNP mobile unit na isakay ang mga stranded na babae, partikular ang mga buntis, para makatulong sa kakulangan ng pampublikong sasakyan sa gitna ng umiiral na community quarantine.