Inihayag ng pamunuan ng Mandaluyong City Government na umakyat na sa 245 na pasyente ang nakarekober sa COVID-19.
Batay sa tala ng City Health Office (CHO), pumalo na sa 662 indibidwal ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 at 54 naman ang bilang ng nasawi.
Ayon kay Mandaluyong Chief of Staff Jimmy Isidro, malaki ang pakinabang ng ginagawa nilang libreng rapid test sa lahat ng mga tricycle driver at mga nagtitinda sa lungsod upang malaman kung sino ang maaaring ihiwalay at ilagay sa isolation facility ng lungsod para mapangalagaan ang ilang mga residente.
Sa ngayon ay puspusan ang ginagawang monitoring at precautionary measures ng lungsod sa lahat ng mga tricycle driver, maging ang mga tindero at tindera sa palengke upang matiyak na ligtas at hindi mahahawaan ng COVID-19 ang mga residente ng Mandaluyong City.