Umakyat na sa 255 ang mga nakarekober sa COVID-19 sa Antipolo City makaraang maidagdag sa bilang ang labing isa pang gumaling sa nasabing virus.
Ayon kay Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares, sa ngayon ay umaabot na sa kabuuang 504 ang mga nahawa sa nakamamatay na virus kung saan 43 ang nasawi.
Nabatid na mayroong 206 active cases na sumailalim sa treatment at quarantine kung saan may naitalang 295 suspect cases, 373 naman ang probable cases.
Paliwanag ng alkalde, ang Barangay Mayamot ang pinakamaraming bilang na nagpositibo sa kaso ng COVID-19 na mayroong 85 pasyente, sinundan ng Barangay San Jose na may 62, San Isidro na may 52 at Barangay Dela Paz na mayroong 50 pasyente na may COVID-19.
Samantala, inanunsyo ng local government na pansamantalang isinara ang City Veterinary Office matapos na mahawaan ang ilang empleyado ng COVID-19 kung saan sumailalim na sila sa mandatory quarantine matapos na magsagawa ng swab tests at contact tracing.
Magbubukas ang veterinary clinic at vaccination services sa July 29, 2020, Miyerkules, matapos na pansamantalang sinuspinde ng Antipolo City Local Government.