Kinumpirma ng Philippine National Police na umaabot na sa mahigit 250 ang bilang ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Abra ang nag-withdraw o binawi na ang kandidatura.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration, Lt. Gen Rhodel Sermonia, nagkaroon sila ng pulong sa ilang Abra officials at inilahad ang iba’t ibang dahilan kung bakit tila nag “laban bawi” sila sa pagtakbo sa halalan.
Gayunman sinabi ni Sermonia na kanila pang bineberipika ang ulat na may mga pagbabanta o isyu sa seguridad.
Aminado naman si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. na nakababahala ang bilang ng mga nag withdraw ng kandidatura sa Abra kaya patuloy ang isinasagawa nilang imbestigasyon hinggil dito.
Tiniyak din ni Acorda na patuloy ang assessment nila kung kinakailangang magdagdag ng pwersa sa isang lugar para masiguro ang malinis at mapayapang eleksyon.