Patuloy ang pangangalap ng datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bilang ng mga buntis at nagpapabreastfeed sa bansa para maisama sa Pantawid Pamilya Pilipino program (4Ps).
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao, batay sa datos ng 4Ps sa National Program Management Office, merong mahigit 28,000 na mga buntis at mahigit 108,000 na mga batang edad 0-2 years old.
Pero puwede pa aniya itong mabago dahil nagpapatuloy pa ang pagkalap nila ng datos sa mga beneficiaries.
Kamakailan ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang rekomendasyon ng DSWD na palawakin ang 4Ps at isama ang mga buntis at nagpapasusong ina sa mga benepisyaryo.
Layunin nitong matulungan ang mga buntis at matutukan ang first 1000 days ng mga sanggol, para sa malusog nilang pag-laki.