Nakakalat na sa iba’t-ibang lugar sa bansa ang 303 palay buying stations ng National Food Authority (NFA) para sa pagbili ng palay ngayong panahon ng anihan simula ngayong buwan.
Ayon kay NFA Director Rebecca Olarte, nakaposisyon ang mas maraming buying stations sa Southern Luzon.
44 areas ay nasa Batangas City, Laguna, Mamburao, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Quezon, Romblon at Infanta sa Quezon.
Habang ang 38 NFA buying stations ay inilagay sa Central Luzon, partikular sa Nueva Ecija, Aurora, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac at Zambales; at 36 naman sa Isabela, Cagayan, Kalinga, Nueva Vizcaya, Allacapan at Quirino sa Cagayan Valley, kabilang din ang Ilocos Region at iba pang rehiyon sa bansa.
Ang mga buying station naman sa Central Mindanao ay noon pang Enero nagsimula ng pamimili ng palay sa local farmers.
Sa ngayon mahigit 300 warehouses sa buong bansa mayroon ang NFA na kayang makapag-imbak ng 22 million bags o katumbas ng 30 araw na Daily Consumption Requirement (DCR) ng buong bansa.
Sa ilalim ng RA 11203 o Rice Liberalization Law, ang NFA, bilang buffer stocking agency, ay inaasahan na makapagmentina ng average na 15 hanggang 30 days na consumption o higit pa.
Ibig sabihin maaari pang umupa ng karagdagang warehouse ang NFA kung sosobra ang kanilang palay procurement.