Naniniwala si Cainta Rizal Mayor Kit Nieto na malaking tulong ang Php 328,000.00 na kanyang nakolekta mula sa tatlong araw na ginagawa niyang auction ng mga sapatos para pangsuporta sa mga residente Cainta Rizal na nawalan ng trabaho dahil sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine dulot ng COVID-19.
Sa kanyang Facebook page sinabi ni Mayor Nieto na sa unang araw ng pag auction nito ng kanyang tatlong pares na sapatos ay kumita ito ng PHP132,000.00, sinundan ng Php117,000.00 at ngayon ay umabot ng PHP79,000.00.
Ayon kay Mayor Nieto marami ng pamilya ang natutuwa kabilang na diyan ang 164 na nawalan ng trabaho dahil mabibigyan na sila ng tig PHP2,000 na tulong na sasamahan pa ng alkalde ng mga food packs para sa 5 araw bawat manggagawang nawalan ng trabaho.
Paliwanag ng alkalde hindi siya titigil hangga’t mayroon pa siyang mga sapatos dahil magpapa-auction umano uli siya ng tatlong pares ng sapatos bukas at araw-araw hanggang sa matapos ang quarantine period o hanggang maubos aniya ang kanyang mga koleksyon na mga sapatos ay hindi umano siya susuko.
Giit pa ni Nieto, sa ganitong paraan umano ay mababawasan ang mga nagugutom sa kanyang bayan dahil bukod sa personal niyang pamamaraan na pagtulong ay bumuhos naman ang mga suporta mula sa mga pribadong kumpanya at indibidwal na mga residente ng Cainta Rizal.