Manila, Philippines – Daang milyong piso na ang lugi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR sa bawat buwan na hindi nag-o-operate ang Resorts World Manila.
Sa ikatlong imbestigasyon ng Kamara, sinabi ni PAGCOR Chairman Andrea Domingo na umabot na sa 325 Million pesos ang nawalang kita sa kanila.
Ito aniya ang halagang inire-remit sa kanila ng Resorts World buwan buwan kaya ito ang hindi pumapasok sa kanila hanggat suspindido ang operasyon ng pasilidad.
Apektado pa rin hanggang ngayon ng nangyaring insidente ang ibang mga casinos.
Naobserbahan ng PAGCOR na hindi nadagdagan ang mga naglalaro sa ibang casino hotel gaya ng Solaire, City of Dreams at Okada kahit suspendido muna ang Resorts World.
Iniulat naman ni Resorts World President Kingson Sian na may 300 million na halaga ng chips ang unaccounted sa ikalawang palapag ng casino.
Bukod pa ito sa nare-cover ng PNP na dalawang bag na naglalaman ng 113.1 million pesos na halaga ng chips at isang may laman na 52 million na halaga ng chips.