Nadagdagan pa ng 352 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang dumating sa bansa mula sa Dammam City, Saudi Arabia.
Sakay ng Philippine Airlines flight PR 683 ang mga OFW na mga empleyado ng Nasser S. Al Hajri Corporation.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), matapos sumailalim sa documentation at briefing ukol sa safety protocols ay mananatili muna sila sa mga aprubadong pasilidad ng Bureau of Quarantine (BOQ) para sa mandatory quarantine habang hinihintay na rin ang resulta ng kanilang RT-PCR test.
Sa kabuuan, nasa 29,000 mga repatriated OFW na ang dumating sa bansa dahil sa epekto ng COVID-19 Pandemic.
Ayon pa sa ulat ng DFA, nadagdagan pa ng 18 ang bilang ng OFWs sa iba’t ibang mga bansa na nakarekober sa COVID-19 dahilan upang pumalo na ito sa 878.
Habang 18 naman ang nadagdag pa sa confirmed cases kung kaya’t ngayon ay nasa 2,522 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Sa nasabing bilang din, 291 na ang mga naitalang pumanaw habang nasa 1,353 naman ang kasalukuyang sumasailalim pa sa medical treatment.