Mahigit 300 OFWs, pansamantalang nananatili sa quarantine

Aabot sa 334 na Overseas Filipino Workers (OFWs) ang sumasailalim sa mandatory 14-day quarantine sa mga itinalagang quarantine ships na kasalukuyang nasa Pier 15 sa Port Area, Maynila.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang naturang OFWs ay pawang land-based at sea-based workers mula sa Brunei, Brazil, Cayman Islands, France, Indonesia, Netherlands, Qatar, South Korea, Taiwan, United Arab Emirates, United States of America at Vietnam.

Sa unang quarantine ship ay mayroong 271 katao. Ang 256 rito ay land-based habang 15 ay sea-based.


Matatapos ang kanilang quarantine hanggang Abril 29-30.

Habang sa ikalawang quarantine ship naman ay may 63 katao ang naka-quarantine kung saan halos lahat ay land-based maliban sa isang seafarer.

Inaasahang makakatapos sila ng kanilang quarantine sa May 2.

Tiniyak naman ng PCG na nakipag-ugnayan sila sa pamunuan ng 2GO para matiyak ang kalinisan at sapat na food supplies sa loob ng quarantine ships.

Facebook Comments