Mahigit 300 pasyente, kasalukuyan nananatili sa mga quarantine facility sa lungsod ng Maynila

Nasa higit 300 pasyente ang kasalukuyang naka-admit ngayon sa iba’t ibang COVID-19 quarantine facilities na inayos ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Ayon sa Chief of Staff ni Mayor Isko Moreno na si Cesar Chavez, nasa 311 na pasyente ang magkakahiway na nananatili sa 12 quarantine facilities sa siyudad.

Ito ay batay sa pinakahuling quarantine facilities summary report ng Manila Health Department na inilabas kahapon kung saan sinabi ni Chavez na ang bilang ay katumbas ng 57% na occupancy rate.


Dahil dito, may sapat pang kapasidad para tumanggap ng mga pasyente sa mga pasalidad partikular ang mga asymptomatic case at suspected case na naghihintay ng resulta ng RT-PCR o swab test.

Kabilang sa mga quarantine facilities sa Maynila ay ang Delpan, Araullo, Tondo, T. Paez, Arellano, Dapitan, P. Gomez, San Andres, Bacood, Patrica, Tondo Sports at Del Pilar.

Samantala, sa pinakahuling COVID-19 datos na inilabas ng Manila LGU, aabot na sa 3,407 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng sakit sa lungsod at 1,373 dito ang active cases.

Nasa 1,858 ang gumaling sa COVID-19 habang 176 ang nasawi dahil sa sakit.

Facebook Comments