Mahigit 300 Persons Deprived of Liberty o PDLs ang inaasahang mapapalaya pa ngayong taon.
Sa pagdinig para sa 2023 budget ng Department of Justice (DOJ), naitanong ni Senator Robinhood Padilla kung ano na ang estado ng mga bilanggo na dapat makalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) o Republic Act 10592.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, mayroong 318 na PDLs ang binubuno ngayon ang panahon para mabigyan ng clemency ng pangulo, pardon at ‘commutation of sentence’.
May nauna na aniyang 371 PDLs ang pinalaya nitong Setyembre 13 dahil sa maayos na record sa detensyon at nakatugon sa hinihingi ng GCTA.
Inatasan na rin ni Remulla ang Bureau of Corrections (BuCor) at Public Attorney’s Office (PAO) na madaliin ang pagpapalaya sa mga nakapiit sa mga detention centers, city jail, at provincial jail gayundin ang mga may dinidinig na kaso na pwede nang pakawalan.
Ang GCTA ang isa sa mga ginamit na batayan para palayain ang mga karapat-dapat nang mapalaya na PDL at isa rin sa solusyunan sa matinding pagsisikip ng mga bilangguan.
Sa 2023 proposed national budget ng DOJ, ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) na pondo ng ahensya sa susunod na taon ay P26.686 billion na mas mataas kumpara sa P25.247 billion ngayong 2022.