
Pumalo sa 308 na rockfall events o pagguho ng bato ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa nagpapatuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.
Batay sa datos ng huling inilabas na monitoring ng ahensya simula alas-12 ng hatinggabi kahapon, January 15 hanggang 12 a.m. ngayong araw, January 16.
Kagabi, ilang incandescent lava-collapsed fed pyroclastic density current o uson ang na-monitor sa mga Gullies ng bulkan simula alas-6:45 hanggang alas-7:45 kagabi kung saan umabot sa 68 na PDC ang nairecord sa loob ng bente-kwatro oras.
Bukod pa rito, nasa 1318 na tonelada ng sulfur dioxide o asupre ang naibuga ng Mayon Volcano habang may katamtamang pagsingaw din ang bulkan kung saan ang plume nito ay napapadpad timog-kanluran at kanluran-timog-kanluran.
Nakataas pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.










