Inihayag ngayon ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na wala pang katiyakan kung kailan muling magbubukas ang 3, 536 na mga paaralan sa Cordillera Autonomous Region (CAR) at Ilocos Region na naapektuhan sa magnitude 7 na lindol.
Ayon sa DepEd, mula July 27 ay nagsuspinde na ng trabaho ang mga paaralan kung saan ay kanila namang pinapaubaya ang pagbabalik sa klase maging sa trabaho ng kanilang mga manggagawa sa mga local chief executive na tumatayong chairperson ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC).
Iniulat ng Disaster Risk Reduction and Management Service ng DepEd na umakyat na sa 9,539 na paaralan sa 58 Division ang naapektuhan ng lindol.
Sa naturang bilang, 164 na paaralan ang may pinsala sa imprastruktura na karamihan ay mga bitak sa gusali, bumagsak na bubong at nasirang kisame.
Dahil sa mga natamong pinsala, aabot na sa ₱940 milyon ang halaga na kakailanganin sa pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga silid-aralan na naapektuhan ng lindol.