Nagpakalat ang Philippine National Police (PNP) ng 3,476 ng PNP personnel sa mga lugar na naapektuhan ng sama ng panahon noong mga nakalipas na linggo.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang mga ito ay partikular na idineploy sa katimugang bahagi ng bansa maging sa Eastern Visayas.
Ang mga ito ani Azurin ay nagbibigay ng tulong sa ating mga naapektuhang kababayan at katuwang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsasagawa ng Humanitarian and Disaster relief Operations (HADR).
Sa datos ng PNP, dalawang casualty ang naitala sa Laoang at San Isidro, Northern Samar kung saan isa ang sibilyan at isang miyembro ng AFP ang nasawi dahil sa pagkalunod.
Habang dalawang senior citizens din ang namatay dahil din sa pagkalunod sa bahagi naman ng Maydolong, Eastern Samar.
Ani Azurin, ang mga Commanders ng Area Police Commands ay binibigyan niya ng awtoridad na magpatupad ng operational control sa regional at provincial mobile force units para sa disaster response operations sa mga apektadong lugar lalo na sa Zamboanga peninsula na nakararanas ngayon ng malawakang pagbaha.