Nasa 131 government agencies ang magkakaloob ng halos 3,500 bakanteng trabaho sa pamamagitan ng Government Online Career Fair na inorganisa ng Civil Service Commission (CSC).
Ang job fair ay magsisimula mula Setyembre 19 hanggang 23 ngayong taon sa pakikipagtulungan ng online job search portal, JobStreet.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, lahat ng applicants mula sa Pilipinas o maging ang mga nasa ibang bansa na interesadong ituloy ang kanilang career sa civil service ay maaaring lumahok.
Kailangan lang nilang magsumite ng aplikasyon online sa kanilang mga napiling ahensya.
Ilan sa maaaring aplayan ng job seekers ay ang mga guidance counselor, administrative aides at officers, revenue officers, engineers, midwives, planning officers, project development officers, nurses, instructor, accountant/auditor, executive assistant, information technology officers, at iba pa.
Para makasali, kailangang may account sa JobStreet.com ang job seekers at kung wala pa kailangan lang gumawa nito sa pamamagitan ng pag-access sa 2022 GOCF Microsite.