Mahigit 30,000 food boxes, naipamahagi na ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila sa loob ng dalawang araw

Aabot sa 39,364 food boxes ang naihatid na ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila sa bawat pamilya sa lungsod sa loob ng dalawang araw.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, naging maagap ang sistema ng distribusyon ng mga food packs dahil sa pakikipagtulungan at kooperasyon ng mga ahensya ng Lungsod at ng mga mamamayan.

Ang mga nasabing food boxes ay nagmula sa DSWD-NCR at Manila Department of Social Welfare kung saan iginiit ni Yorme na target ng Pamahalaang Lungsod na mag-abot ng tulong sa bawat pamilyang Manileño na apektado ng ‘Enhanced Community Quarantine’ sa buong rehiyon.


Nagpapasalamat din siya sa Manila Police District (MPD), sa iba pang departamento ng Pamahalaang Lungsod at kay Vice Mayor Honey Lacuna na malaki ang naibigay na tulong lalo na’t isa din itong doktor.

Nakiusap naman siya sa iba pang residente ng Maynila na habaan ng konti ang pasensiya at manatili na lamang sila sa loob ng kanilang bahay dahil sila na mismo ang tutungo para ibigay ang tulong.

Samantala, kinumpirma naman ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila na base sa datos ng Department of Health o DOH, nasa 30 na ang kumpirmadong may sakit ng COVID-19 at nasa 89 naman ang person under investigation o PUI kung saan dalawa ang nasawi habang dalawa ang nakarekober.

Facebook Comments