Mahigit 30,000 residente, apektado ng pagbaha sa Cotabato City at Maguindanao

Iniulat ni Philippine Army 6th Infantry Division spokesperson Lt. Col. Dennis Almorato na nasa mahigit 30,000 katao ang apektado ng pagbaha na kasalukuyang nararanasan sa Cotabato City at ilang bahagi ng Maguindanao.

Ayon kay Col. Almorato, bukod sa Cotabato City, nakakaranas din ng pagbaha sa mga munisipyo ng Pigkawayan, Upi at Datu Odin Sinsuat.

Umabot aniya sa lima hanggang anim na talampakan ang baha sa mga nabanggit na bayan.


Sa ngayon, idineploy na ng 6ID ang lahat ng kanilang mga disaster response unit para magsagawa ng rescue operations.

Nag-deploy na rin sila ng mga military truck para ilikas ang mga na-trap na residente.

Samantala, sa panig naman ng Philippine National Police, sinabi ni PIO Chief PCol. Red Maranan na ongoing din ang search, rescue at recovery operations sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Facebook Comments