Mahigit 4-M indigent senior citizens, makikinabang sa ₱1,000 na social pension

Milyung-milyong mga lolo at lola ang makikinabang sa batas na nagtataas sa social pension sa P1,000.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, nasa mahigit apat na milyong mga mahihirap na senior citizens ang mabebenepisyuhan ng dagdag na social pension.

Mangangailangan naman ng P22 billion hanggang P24 billion kada taon para mapondohan ang dagdag na social pension ng mga indigent senior citizen.


Ang nasabing halaga aniya ay .5% lang ng kabuuang national budget kaya naman posibleng nakita ng palasyo na mas malaki ang maitutulong nito kapag naisabatas.

Magkagayunman, hindi pa nakapaloob sa panukalang 2023 national budget ang pondo para sa dagdag na social pension ngunit may mga maaari namang paghugutan ng pondo para dito.

Ilan sa mga nabanggit ng senador na maaaring pagkunan ng pondo ay ang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO kung saan mayroong P50 billion na unpaid taxes o hindi nabayarang buwis.

Dagdag pa aniya sa maaaring paghugutan ng pondo ay ang sin taxes, Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law, Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law at iba pa.

Facebook Comments