
Pinapa-imbestigahan ng Makabayan Bloc sa House Committee on Public Accounts at Committee on Public Works and Highways ang ₱4.4 billion na halaga ng umano’y maanumalyang flood control projets sa Davao City mula sa 2019 hanggang 2022.
Ang hirit na imbestigasyon ay nakasaad sa House Resolution Number 464 na inihain nina Representatives Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist, Renee Co ng Kabataan Party-list at Sarah Elago ng Gabriela Women’s Party.
Tinukoy sa resolusyon na 80 kontrata ng mga proyekto sa Davao City na ipinatupad sa ilalim ng Duterte Administration ang kinakitaan ng iregularidad.
Nakasaad sa resolusyon na ang 49 sa naturang 80 red-flagged contracts ay congressional insertions at kabilang ang Genesis88 Construction Inc. na nangungunang kontraktor na nakakuha ng mga proyekto.
Ang nasabing kompanya ay pag-aari umano ni Glenn Escandor na nagsilbing Presidential Adviser for Sports sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at campaign contributor din umano ni Vice President Sara Duterte.
Binanggit ni Tinio na lumabas sa kanilang paunang pag-aaral na ang mga flood control projecs sa Davao city ay may pattern ng korapsyon na kapareho ng mga proyekto sa Bulacan, Oriental Mindoro, at iba pang panig ng bansa.









