Mahigit 4 na milyong manggagawa sa bansa, bigong makaranas ng disenteng pamumuhay dahil sa mababang pasahod ayon sa ilang labor groups

Photo Courtesy: Sen. Risa Hontiveros FB Page

Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng ‘Koalisyon Laban sa ChaCha’ sa Quiapo Church sa lungsod ng Maynila.

Ito ay bilang paggunita sa araw ng paggawa bukas o Labor Day kung saan iginiit ng mga ito na umento sa sahod at hindi Charter Change o Cha-Cha ang kailangan ng mga Pilipino.

Dumalo rin si Senator Risa Hontiveros sa pagtitipon at ipinanawagan naman nito na aprubahan na ang isandaang pisong dagdag sa arawang sahod ng mga kumikita ng minimum wage.


Inaapela ng grupo na mas pagtuunan ng oras at panahon ng gobyerno ang mga batas na magbibigay ng kaginhawaan sa lahat at hindi raw ito ang isinusulong na pagbabago sa Saligang Batas.

Ayon sa ilang labor group, nasa mahigit apat na milyong minimum wage earners sa bansa ang hindi nakakaranas ng disenteng pamumuhay dahil sa mababang pasahod.

Samantala, bukas, inaasahan na ang mga ikakasang kilos protesta ng mga labor group gaya ng mga bumubuo sa National Wage Coalition.

Facebook Comments