Thursday, March 19, 2026

Mahigit 40 dati at kasalukuyang opisyal ng BFP, sasampahan ng kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman kaugnay ng maanomalyang pagbili ng fire trucks

Pormal na sasampahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kasong kriminal at administratibo ang nasa 45 kasalukuyan at dating opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Office of the Ombudsman.

Kaugnay ito sa maanomalyang pagbili ng mga fire truck mula 2018 hanggang 2024.

Kabilang sa kakasuhan ng kagawaran sina dating BFP Chief Fire Director Leonardo Bañago, Louie Puracan, at suspended BFP Chief Fire Director Jesus Fernandez.

Bukod dito, isinama rin sa kakasuhan ng DILG ang buong Bids and Awards Committee ng BFP, dalawang supplier ng mga fire truck, at mga posibleng kasabwat sa korapsyon.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, lumabas sa imbestigasyon ng kagawaran na hindi lamang simpleng kapabayaan ang nangyari kundi malinaw na korapsyon.

Natuklasan ng ahensya ang umano’y katiwalian na pabor lamang sa dalawang sangkot na supplier.

Nakita rin ng kagawaran ang malaking pagtaas ng presyo ng isang 1,000-gallon fire truck—mula sa mahigit ₱5.97 million noong 2014 ay naging halos ₱15 million kada unit nitong 2024.

Napag-alaman din ng DILG na nandaya ang dalawang kumpanya sa pamamagitan ng undervaluation ng import declarations na mahigit 30 porsyento, at bigo rin ang mga ito na magpresenta ng mahahalagang financial documents sa audit proceedings.

Isiniwalat ni SILG Remulla na natukoy ang korapsyon matapos umanong tangkaing suhulan siya ni Fernandez ng ₱1.5 million kada fire truck.

Patung-patong na reklamo ang isasampa ng DILG sa Ombudsman laban sa mga sangkot, kabilang ang Grave Misconduct, Serious Dishonesty, Gross Neglect of Duty, Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Facebook Comments