Nadagdagan pa ang bilang ng mga barko ng China na namataan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, sa ngayon mayroong apat na Chinese Coast Guard at 20 Chinese Maritime Militia (CMM) vessels ang namataan sa Scarborough Shoal.
Ani Padilla, mas mataas ito kumpara sa karaniwang dalawang barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang nakaposte sa lagoon.
Aniya, hindi pa malaman sa ngayon ng pamahalaan ang dahilan sa karagdagang deployment ng mga barko ng China sa Scarborough Shoal.
Samantala, mayroon ding namataan na isang CCG ship at apat na CMM vessels malapit sa Ayungin Shoal.
Mayroon ding isa pang barko ng China, 14 na CMM vessels at isang People’s Liberation Army Navy ang namataan malapit sa Pagasa Island, habang may tatlo ring barko ng China ang na-monitor sa bahagi naman ng Panatag Shoal.